Malayo pa eleksiyon pero tikas ng mambabatas tumiklop na?

Tapos na ang itinakdang panahon ng Commission on Elections (Comelec) sa paghahain ng kandidatura para sa 2025 mid-term elections kung kaya’t halos lahat tayo ay abangers na lamang sa kung sino ang papayagan bilang opisyal na kandidato o ipapagpag ng ahensiya.

Matagal-tagal pa bago mailabas ng Comelec ang pinal na listahan kaya naman, maraming mga pumapasok sa isipan ng mga tao habang tinitimbang kung sinu-sino ang kanilang mga iboboto o hindi.

Kaya nga biglang pumasok din sa isipan ko ang isang kuwentong umikot dati sa apat na sulok ng mga tambayan ng mga marites tungkol sa umano’y kayamanan ng isang mambabatas na hindi rin naman alam ng tao kung ano ang lehitimong negosyo.

May pagkakataon daw kasi na nakapagbitaw ng pangungusap ang isa sa mga prominenteng taipan sa Pilipinas na kung cash din lamang naman na nakatabi sa kung saan ang pag-uusapan ay wala siyang binatbat sa isang mambabatas.

Napa-ha! nga daw ng malakas ang nakarinig ng nabanggit na pangungusap ng taipan dahil talagang hindi siya makapaniwalang babanggitin ito nito na noong mga panahong iyon hanggang sa ngayon ay kabi-kabila ang mga malakasang proyekto.

Nang kumalat ang kuwento, mayroon din namang nagsabing hindi naman daw kataka-taka na sandamakmak ang cash na nakatabi ng mambabatas dahil kung mamigay ito sa mga nangangailangan ay tila walang pagkaubos ang pinagkukunan.

Kahit saang lugar nga daw magawi ang mambabatas ay talagang may ngiti sa labi ang mga dinadatnan nito mapaordinaryong tao o mapalokal na opisyal dahil halos lahat ng kanilang mga hirit ay pawang malalakas na “oo, opo” ang nagiging tugon.

Pero kung ikukumpara daw sa kasalukuyan ang porma nito dati, aba’y parang nabaligtad na ang mundo ng mga lumalapit sa kanya o kanyang mga tinutunguhan dahil tila pilit na pilit na ito sa pag-aabot ng ikakasiya ng mga nadadatnan.

Ang hinala nga ng iba ay baka tinitipid na nito ngayon ang badyet upang mayroong magamit sa paparating na malakihang gastusan.

Hindi na rin daw ito masyadong naglalalabas upang makaiwas sa mga nagdadala ng reseta, kahilingan sa proyekto at iba pang uri ng panggastos ng mga tao at opisyal na nakakasalamuha niya.

Hindi na ako magbibigay ng clue dahil palagay ko ay marami kayong iisang pangalan lamang ang babanggitin matapos ninyo itong mabasa kapag tayo ay nagkasalubong.

Nga pala, tuwing Sabado alas-10:00am hanggang alas-11:00am ay ugaliin ninyong makinig o manood ng programang “Parekoy” kasama ang inyong lingkod via DWAR Abante Radyo 1494 khz sa AM band sa Metro Manila at live sa mga social media accounts ng himpilan na ito.

Ayos ba?

The post Malayo pa eleksiyon pero tikas ng mambabatas tumiklop na? first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments