2,500 barangay sa Northern Luzon sapol sa Bagyong Nika – DILG

Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mandatory evacuation ng mga nakatira sa 2,500 barangay sa Northern Luzon na posibleng direktang hagupitin ng Bagyong Nika.

Sa press briefing sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo nitong Linggo ng hapon, Nobyembre 10, sinabi ni Remulla na kabilang sa kanilang pinalilikas ang mga residente ng mga barangay sa Ilocos, Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) na karaniwang binabaha at nagkakaroon ng mga pagguho ng lupa.

Sinabi ni Remulla na inatasan na niya ang mga gobernador at alkalde sa mga nabanggit na rehiyon para simulan Linggo ng gabi ang mandatory evacuation.

Paliwanag ni Remulla na mayroon pa silang 16 na oras para sa evacuation ng mga residente.

Binigyang-diin pa ng DILG chief na dapat seryosohin ito ng mga first responder na kapag sinabing lumikas ay kailangang lumikas upang hindi na maulit ang nangyaring trahedya sa isang landslide sa Batangas na kumitil ng maraming buhay sa kasagsagan ng Bagyong Kristine.

Dagdag pa ni Remulla na nakahanda na ang lahat ng food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin ang C-130, mga land vehicle, at helicopter ng gobyerno para maghatid ng mga kailangang ayuda.

Handa na rin umano ang mga sasakyang panghimpapawid ng Philippine Air Force at Philippine National Police sakaling kailangan ang air rescue sa malalayong barangay.

“We have 16 hours to respond (and) to evacuate. We are prepared on the ground as far as national agencies and first responders are concerned,” sabi ni Remulla.

Nanawagan din ang kalihim ng kooperasyon mula sa publiko para na rin sa kanilang kaligtasan.

Samantala, ipinag-utos na rin ni Defense Secretary at NDRRMC chair Gilberto Teodoro Jr. sa mga regional director na bilisan ang paghahanda sa hagupit ng Bagyong Nika. (Edwin Balasa)

The post 2,500 barangay sa Northern Luzon sapol sa Bagyong Nika – DILG first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments