PAOCC kinalampag DSWD sa mga `POGO baby’

Nanawagan ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan at alalayan ang 24 na “POGO babies” o anak ng mga dayuhang nagtrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators na naiwan sa bansa.

Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, nakipag-ugnayan na sila sa DSWD upang alalayan at mabigyan ng hanapbuhay ang mga Pilipinang ina ng “POGO babies”.

Pina-deport na ng gobyerno ang mga dayuhang ama ng mga sanggol kaya wala ng sumusuporta sa mga ito.

“Siyempre ho, kailangan mabuhay, magkaroon ng kabuhayan iyong pamilya o nanay para naman ipantustos sa pagpapalaki sa bata. Iyon ang tinitingnan natin kaya nakikipag-coordinate na tayo sa DSWD,” ani Cruz.

Sa ngayon aniya ay sinusuportahan ng PAOCC ang 24 apat na “POGO babies” sa kanilang pangangailangan pati sa pampaospital kapag mayroong nagkakasakit ang mga ito. Pero hindi aniya puwedeng habampanahon na tutulungan ang mga ito kaya kailangan ang aksiyon ng DSWD.

“Hindi naman ho puwedeng puro ganun ang gagawin natin, puro suporta pagdating sa panggatas, pang-pampers at saka iyong pambayad sa renta,” dagdag ni Cruz.

Batay sa record ng PAOCC, nasa 250 dayuhang POGO worker ang napa-deport na nila at may mga susunod pang palalayasin sa bansa sa mga darating na araw. (Aileen Taliping)

The post PAOCC kinalampag DSWD sa mga `POGO baby’ first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments