Female personality markado ang kaartehan

Sa kanyang pinanggalingang istasyon ay pinagpipistahan pa hanggang ngayon ang mga kuwento tungkol sa isang popular na female personality. Hindi kagandahan ang mga kuwento tungkol sa kanya.

Kapansin-pansin na sa lahat ng mga lumundag sa kabilang bakod na personalidad ng nasabing nerwork ay sa female personality ito mukhang hindi sang-ayon ang kanyang mga katrabaho.

Unang kuwento ng aming impormante, “Naku, hanggang ngayon, e, siya pa rin ang pinagpipistahan du’n sa dati niyang network! Ang dami-daming kuwento! Hindi pala maganda ang relasyon niya sa mga nakakatrabaho niyang production people!

“Isa lang ang sinasabi nila, good luck na lang daw sa mga makakatrabaho ng girl na nuknukan nang kaartehan!” unang chika ng source.

Anu-ano bang kaartehan ang ikinukuwento ng mga taong dekadang nakasama sa trabaho ng sikat na babaeng personalidad? Hindi naman kaya sinisiraan lang siya ng mga ito dahil kumabilang-bakod nga siya?

Patuloy ng aming source, “Hindi naman siguro siya sinisiraan kang, sa tagal ng panahong nagkasama sila sa trabaho, e, natural lang na alam na nila ang ugali ng girl!

“May sariling mundo kung i-describe nila ang female personality, may mood swing, ang ugali niya kuno, e, depende sa kung ano ang mood niya!

“Kahit ang mga co-stars niya, e, alam ‘yun, hindi na lang sila nagsasalita, kasi nga, e, ang girl ang bibidahin sa project na ginagawa nila!

“Kunwari, matagal na siyang nasa location, hindi muna siya bababa sa van niya! Kailangan pa siyang tawagin ng staff para sa rehearsal take nila!

“E, sa lahat ng mga eksena, e, kasali siya, kaya malaking cause of delay ang hindi niya agad pagbaba para sa mga eksena, di ba? At kapag bumaba na siya, e, palagi pa siyang nakasimangot na para bang may kung anong mabaho siyang naaamoy sa paligid!

“Kaya nu’ng lumipat na siya ng network, e, isa lang ang sinabi ng mga dati niyang katrabaho sa dati niyang istasyon. Good luck sa mga bago niyang makakatrabaho!

“Abangan na lang natin kung ano ang masasabi ng mga katrabaho niyang punumpuno ng puso!” naiiling na pagtatapos ng aming source.

Manny binuking ng dating staff ang kahinaan

Napanood namin ang panayam kay Snow Badua, dating staff ni Senador Manny Pacquiao, na isa sa mga may inirereklamo ngayon laban sa boksingero-politiko.

Kung si Snow ang hihingan ng opinyon ay okey naman sa kanya ang Pambansang Kamao, pero ang problema ay ang mga nakapaligid sa senador, mga amuyong daw na kung anu-ano ang ibinubulong sa kanilang boss.

Uto-uto kung ilarawan ni Snow ang kanyang dating boss. Kung ano raw ang sabihin ng mga nakapalibot sa Pambansang Kamao ay agaran naman itong naniniwala.

Sabi ni Snow, “Sinabi lang ng mga tao niya na maganda ang boses niya, nag-recording na agad siya! Ganu’n siya kadaling maniwala!

“Sinabi lang ng mga tagabulong niya na magaling siyang umarte, ayun, gumawa na siya agad ng movie! Madali siyang maniwala, nakikinig siya sa mga bulong, ‘yun ang hina niya,” humigit-kumulang na komento ni Snow.

Siya ang sumulat ng ilang script ng politiko, hindi siya nabayaran sa sinulat niya, ikinakaila naman ngayon ng kampo ni Pacman ang pahayag niya dahil meron daw talagang gumagawa ng mga speech ni Pacman sa Senado.

Isa na lang ang komento du’n ni Snow, alam ni Senador Pacquiao kung sino ang sumulat ng mga script na binitiwan niya sa Senado, ayaw na niyang makipag-argumento pa.

Siya rin ang pinamahala ni Senador Manny sa MPBL, tatlong termino ‘yun na hindi siya nabayaran, pati ang marami pang staff at crew ng sariling liga ng senador.

“Mabait naman sana si Senator Manny, kaya lang, madali siyang ma-sway. Hindi ka naman basta-basta makalalapit sa kanya dahil napakaraming taong nakapaikot sa kanya,” huling komento ni Snow Badua.

The post Female personality markado ang kaartehan first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments