Makalipas ang limang araw, hindi pa rin matukoy ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng anim na magkakabarkada na dinukot ng mga hindi pa rin nakikilalang armadong suspek sa Nasugbu-Tagaytay Highway noong Biyernes.
Hindi pa rin matukoy ng pulisya ang motibo bagama’t natukoy na nila ang plate number ng tatlo sa apat na sasakyan na ginamit ng mga suspek. Hinihintay na lamang ang report ng LTO kung sino ang mga nagmamay-ari nito.
Magugunitang alas-5:30 ng madaling-araw nang gitgitin at harangin ng apat na sasakyan ang Mitsubishi Xpander na inarkila at sinasakyan ng mga biktimang sina Mar Christian Ore, Eugene Noora, Shane Despe, Paulino Sebastian, Carlo Fazon, at Mark Neil Caraan kaya napilitang ihinto ang Xpander.
Pinababa ang mga biktima at isinakay sa isang Starex van. Tinangay din ang Xpander na natagpuang inabandona sa Calamba City ilang oras matapos ang insidente.
Papauwi na sana ang magtotropa sa Cavite galing sa outing nila sa Lian, Batangas nang kidnapin ang anim samantalang nakatakas naman matapos manlaban ang iba pang kabarkada na sina Perly Lape at Ma. Jennelyn Bauyan.
Sa follow-up investigation ng pulisya, ayon kay Police Captain Errol Frejas, hepe ng Laurel Police, isa sa mga kinidnap ay may kasong iligal na droga noong Nobyembre 2020 sa San Jose, Batangas.
Pero sinisilip din ng mga awtoridad ang anggulong love triangle matapos malaman sa dalawang nakaligtas na ang isa sa kasama nilang babae ay may boyfriend na isang Chinese national at nakaaway pa nito bago nagtungo sa outing. (Ronilo Dagos/Mark Joven Delantar)
The post 6 dinukot na magtotropa nawawala pa rin first appeared on Abante Tonite.
0 Comments