Isang tama ng bala ng baril sa ulo at dibdib ang tumapos sa buhay ng isang Chinese national na natagpuang duguang nakaluhod sa tabi ng kanyang kama sa Brgy. Pinyahan, Quezon City, Martes ng gabi.
Ang biktima ay nakilalang si Jefferson Dy Tan, 25-anyos, binata, walang trabaho, at residente ng Mapang-akit St., Brgy. Pinyahan, QC.
Sa report ng CIDU-QCPD, bandang alas-6:30 kamakalawa ng gabi nang madiskubre ang duguang katawan ng biktima sa loob ng kanyang tahanan.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Jerome Mendez, ang biktima ay mag-isa lamang sa kanyang tahanan habang ang kanyang ama na si Jaime Uy Tan ay naninirahan naman hindi kalayuan.
Ayon sa matandang Tan, inimpormahan umano siya ng kanyang helper na si Danny Subiza na nakita umano nitong bukas ang gate ng bahay ng anak.
Dahil dito, agad pinuntahan ng tatay ang bahay ng anak at doon bumungad sa kanya ang duguang katawan nito na nakaluhod sa tabi ng kama at may mga tama ng bala ng baril.
Nabatid na nakita sa CCTV camera ang pagdating ng biktima sa tahanan at ipinarada ang kanyang minamanehong SUV bandang alas-9:56, Nobyembre 1 ng gabi.
Maya-maya, nakita ang batang Tan sa harapan ng bahay habang may kausap sa cellphone, tapos may pumasok na puting van sa tahanan ng biktima. (Dolly Cabreza)
The post Chinese pinaluhod saka binoga first appeared on Abante Tonite.
0 Comments