Dedbol ang isang market helper matapos pagsasaksakin ng lalaking nakagalit niya kaugnay sa pustahan sa sabong, kamakalawa sa Binondo, Maynila.
Kinilala ni P/SSg. Teody Siguen, imbestigador ng Manila Police District-homicide section, ang biktima na si Jeffrey Mirabona, 38, at taga-Kaunlaran Village, Dagat-dagatan, Caloocan City na sinugod pa sa ospital pero nasawi rin dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Habang pinaghahanap pa ng pulisya ang isang “Waray”, may taas na 5 feet, at kulot ang buhok.
Sa imbestigasyon, naganap umano ang insidente alas-5:30 ng umaga sa may Carmen Planas St. sa Binondo.
Nabatid na nagkita ang suspek at biktima sa nabanggit na lugar. Kasunod nito ay nagtalo na ang dalawa kaugnay umano sa pustahan sa online sabong.
Maya-maya pa ay bumunot ng patalim si Waray at inundayan ng sunod-sunod na saksak si Mirabona. (Juliet de Loza-Cudia)
The post Helper kinadyot sa away-sabong first appeared on Abante Tonite.
0 Comments