Kinondena ng isang mambabatas ang pagpaslang sa mamamahayag na si Orlando ‘Dondon’ Dinoy, na binaril sa inuupahan nitong apartment sa Davao del Sur noong Sabado.
Nanawagan din si House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Rep. Rowena Niña Taduran ng masusi at mabilis na imbestigasyon para agad na mahuli ang mga salarin.
Muli ring iginiit ng kongresista ang pangangailangan na maipasa ang Media Workers Welfare Bill (House Bill 8140) upang mabigyan ng proteksiyon ang mga peryodista sa bansa.
“Kailangan ng mga nagtatrabaho sa media ang proteksiyon, at ito ay maibibigay ng Media Workers Welfare Bill. Napakamapanganib ng trabaho ng media, kaya’t kailangang may batas na magbibigay sa kanila ng seguridad,” ani Taduran, may-akda ng panukala.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang mambabatas sa mga kaso ng pagpatay sa mamamahayag na hindi pa nareresolba, at sa mga kasong naisampa pero nakabinbin sa korte.
“We know that these cases are already in court. Pero ang katanungan natin, gaano naman kabilis ang pag-usad nito sa korte? Kailan nila makakamit ang hustisya?” (Billy Begas)
The post Pagpaslang sa Davao journalist kinondena first appeared on Abante Tonite.
0 Comments