Umabot na umano sa halos P180 milyon ang utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga birthing clinic o paanakan na accredited ng ahensiya.
Isiniwalat ito ni Integrated Midwives Association of the Philippines (IMAP) Executive Director Patricia Gomez sa isang panayam sa Teleradyo kahapon.
“Ang mga private midwives natin ay may birthing clinic. So, PhilHealth accredited po ito sila. So, ngayon, ang problema, dahil no balance billing ‘di ba, hindi sila, what I mean, naniningil sa pasyente, ay of course, sisingilin nila sa PhilHealth kasi nga no balance billing,” paliwanag ni Gomez.
Marami na aniya silang ginawang pagpupulong pero “system problem” ang idinadahilan.
“So doon sa mga pocket meetings na ganoon din, ang aming sinasabi sa kanila, kasi sabi ni Atty. [Dante] Gierran lately, eh nasa kanila naman sa regional office naman yung pera, bakit hindi maibibigay,” ayon pa kay Gomez.
Nagkaroon na aniya ng survey sa hanay ng mga kumadrona at nabatid na umabot na sa halos P180 milyon ang utang ng PhilHealth sa kanila.
Kung kaya’t umapela ang IMAP sa Philhealth na bayaran na ang kanilang pagkakautang at kahit unahin na u7mano ang mga paanakan sa mga lugar na hinagupit ng bagyong `Odette’. (Dolly Cabreza)
The post PhilHealth P180M utang sa mga paanakan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments