Kinalat basura sa kalsada, 4 dinakma

Pinosasan ang apat na basurero sa Maynila nang mahuli ng mga pulis na itinatapon ang mga plastic ng basura sa kalsada habang bumibiyahe sila. Nabatid na ang basura ay galing sa dayuhang barko.

Ayon sa pulis, nakatanggap na sila ng ulat na nagtatapon ng plastic ng mga nakolektang basura ang naturang truck.

Kaya’t minanmanan ito ng mga awtoridad saka sinundan matapos kumuha ng basura mula sa Pier sa South sa Maynila.

Nang dumaan ang truck sa madilim na bahagi sa Vitas St. ay isa-isa na nitong itinapon ang mga nakolektang plastic.

Napag-alaman na kasama sa mga laman ng itinatapon na plastic ay mga gamit nang diaper at mga sanitary napkin.

“Amin pong napag-alaman na itong mga basura ay galing doon sa foreign vessel na dumating sa Manila Bay,” sabi ni Police Major Randy Ludovice, station chief ng Northern NCR ng Philippine National Police.

Anila, ilang ulit na silang nakakatanggap ng reklamo kaugnay sa mga itinatapon na basura sa kalsada.

Nilabag ng mga ito ang Ecological Solid Wastes Management Act of 2000 kung saan dapat ay sa tamang tapunan ng basura dinadala ng mga contractor ang kinokoleta nilang basura.

“Kailangan pagkagaling ng barko, isasakay sa truck nila at dadalhin sa crater area. Dapat may permit sila at nandon ‘yong recovery material facilities. Kailangan sundin ang proseso dahil mahalaga ito sa kalusugan ng tao. Sino-shortcut siguro para madali silang makabalik,” paliwanag ni Ludovice.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga basurero. (Kiko Cueto)

The post Kinalat basura sa kalsada, 4 dinakma first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments