Binisto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang diumano’y hirit sa kanya ng gaming tycoon na si Charlie `Atong’ Ang na magbukas ng jai alai operation sa Davao.
Sa kanyang talumpati nang bumisita sa Cebu noong Huwebes, sinabi ng Pangulo na hiniling dati sa kanya ni Ang kung puwedeng mag-operate ito ng jai alai sa Davao subalit tinabla niya ang hirit nito.
“Kilala ko ‘yan and he wanted to go to Davao noon magpagawa siya ng jai alai. Sabi ko, `Ayaw ko. Kaibigan tayo pero ayaw ko’,” ayon kay Pangulong Duterte.
Binanggit ng Pangulo ang pangalan ni Ang matapos na madawit ito sa pagkawala ng nasa 34 sabungero.
Hinala naman ni Pangulong Duterte na may mga pulis na sangkot sa e-sabong operation.
“`Yong sa e-sabong sabit na naman ang pulis. Hindi ka maka-operate ng ganoon kung walang pulis, `yung ginawa nila. They are pointing to Atong Ang,” wika ng Pangulo.
Samantala, dinepensahan ng Pangulo ang operasyon ng e-sabong na malaking tulong aniya sa bansa dahil sa P640 milyong buwis na pumapasok sa kaban ng gobyerno kada buwan.
“Ang e-sabong gusto ng mga congressman na ipahinto. Sabi ko bakit ihinto `yan? Ang e-sabong is giving us P640 million a month. Saan tayo magkuha ng pera ngayon? Naubos man sa COVID lahat. We are short of funds,” paliwanag pa ni Pangulong Duterte. (Prince Golez)
The post Duterte tinabla pagbuhay sa jai alai first appeared on Abante Tonite.
0 Comments