Wala pang nakikitang indikasyon na magkakaroon ng mapanganib na pagsabog ang Bulkang Taal bagama’t patuloy ang pag-alburoto nito sa pamamagitan ng pagbuga ng asupre.
“Pagdating po sa recommendation for evacuation wala po tayong nakikita sa kasalukuyan. At lalong-lalo na ‘yung posibilidad na magkaroon ng talagang delikadong pagsabog ay di pa natin nakikita,” ayon kay bagong Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum sa panayam ng TeleRadyo kahapon.
Sinabi pa ni Solidium na nasa desisyon ng mga residente kung nais nilang pansamantalang lumisan sa lugar dahil sa volcanic smog. Sa mga nanatili sa kanilang tahanan sapat na aniyang obserbahan ang mga health at safety precaution mula sa sulfur dioxide na binubug ng bulkan.
Samantala, nanawagan kahapon ang Lipa Archdiocesan Social Action Center (LASAC) para sa mga donasyong N-95 mask na ipamimigay sa mga apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal lalo na sa mga nakatira malapit dito.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng LASAC na maaaring dalhin ang mga donasyong N-95 mask sa kanilang headquarters sa St. Francis de Sales Major Seminary compound sa Lipa City, Batangas. (Riz Dominguez)
The post Delikadong pagsabog ng Bulkang Taal, wala pa – Phivolcs first appeared on Abante Tonite.
0 Comments