Kalaboso ang anim katao na nahulihan ng nasa P1.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa isang hotel sa Sampaloc, Maynila kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Philippine National Police-Drug Enforcement Group o PDEG chief Brig. Gen. Narciso Domingo ang mga nadakip na suspek na sina Suraida Salilama Ameril alyas `Mayora’, 34; Jelanie Musa Pakan, 21; Toni Buisan Taup, 35; Camerin Fagras Aramada, 26; Zuarto Intal Sandigan, 23; at Tebs Alamada Paglas, pawang taga-Maguindanao.
Ayon kay Domingo, naaresto ang mga suspek dakong alas-5:30 ng hapon noong Biyernes, Agosto 19, sa buy-bust operation ng PDEG kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 3 sa pakikipag-ugnayan sa Manila Police District-Station 4, sa isang hotel sa España Boulevard.
Napag-alaman na isang nagpanggap na buyer ang nakakuha ng ilegal na droga sa mga suspek gamit ang buy-bust money.
Matapos na magpositibo ang transaksyon ay agad na inihudyat ang pagpasok sa loob ng kuwarto ng hotel kung saan hindi na nakapalag ang mga suspek.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang tinatayang 200 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P1,360,000.
Nakakulong na ngayon ang mga suspek sa PDEG detention cell habang inihahanda ang kaso na isasampa laban sa kanila. (Edwin Balasa)
The post Hotel ni-raid: 6 tulak timbog sa P1.3M shabu first appeared on Abante Tonite.
0 Comments