Inanunsiyo kagabi ng Department of Health (DOH) na pasado na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang mahigit P300 bilyong panukalang budget ng ahensiya para sa 2023.
Sa isang pahayag, sinabi ng DOH na inaprubahan ng Kamara ang budget nito matapos ang serye ng mga interpelasyon sa ginanap na deliberasyon hinggil sa panukalang 2023 General Appropriations Bill.
Ayon sa DOH, sinuportahan ng mga mambabatas ang panukalang budget ng ahensiya sa pangunguna ng mga co-sponsor tulad ni Marikina Rep. Stella Luz Quimbo.
Nakapaloob umano sa hinihinging budget ng DOH para sa susunod na taon ang Universal Healthcare program, pagtugon sa COVID-19 pandemya, mga benepisyo ng mga healthcare worker at para sa mga ospital at iba pang healthcare facility sa bansa.
Aakyat sa Senado ang panukalang budget ng DOH sa susunod na linggo pagkatapos ay isasailang naman ito sa bicameral conference committee.
Umaasa ang DOH na maaprubahan ng Kongreso ang budget ng ahensiya para sa katuparan umano ng universal healthcare sa lahat ng Pilipino.
The post P300B DOH budget pasado sa Kamara first appeared on Abante Tonite.
0 Comments