Isinulong ni Senador Raffy Tulfo na bawasan ng P2 bilyon ang budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa 2023 at ilipat sa National Children’s Hospital na mas kinakailangan ng tulong.
“I will request na bawasan po ang budget ng DENR na meron pong P12 billion ang Office of the Secretary. At P2 billion doon ay akin pong ilalakad at ilalaban na mai-transfer po sa National Children’s Hospital na mas nangagailangan ng tulong,” sabi ni Tulfo sa kanyang privilege speech.
Tinapos na ng Senado ang deliberasyon sa plenaryo ng panukalang P5.2 trikyong national budget para sa 2023 at sisimulan na ngayong linggong ito ang period of amendments.
Nauna nang ibinunyag ni Tulfo na may ilang opisyal ng DENR ang nakikipagsabwatan sa mga illegal miner.
“So P2 billion po ang dapat mabawas sa DENR at ‘yan po ay mai-transfer sa National Children’s Hospital na mas nangangailangan po ng tulong dahil dito po ‘yung mga inonsenteng anghel na dapat nating matulungan sa perang ‘yan,” wika ni Tulfo.
Habang nagtatalumpati, ipinakita pa ni Tulfo ang ilang larawan ng ospital kung saan may mga sirang bintana, siksikang mga silid at iba pa.
Dahil kulang sa personnel, may ilang pasyente ang kailangang maghintay ng tatlong taon para makakuha ng therapist.
“Three years, tatlong taon. Isa pong buong cycle po ‘yan ng Kongreso. Tatlong taon maghintay ang isang pasyente bago ho s’ya makatikim ng therapy dito po sa National Children’s Hospital,” lahad ni Tulfo. (Dindo Matining)
The post DENR budget tapyasan ng P2 bilyon ilipat sa ospital – Tulfo first appeared on Abante Tonite.
0 Comments