Wasak bahay kay ‘Paeng’ may tig-P10K

Namahagi ng tulong pinansyal si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga biktima ng kalamidad sa Maguindanao, partikular ang mga nawalan at nasira ang mga bahay dahil sa landslides at matinding pagbaha.

Sa pagbisita sa Maguindanao kahapon ay namahagi ang Pangulo ng mula P5,000 hanggang P10,000 tulong pinansyal sa mga biktima ng kalamidad sa Datu Odin Sinsuat na isa sa mga bayan na matinding tinamaan ng kalamidad.

Hiniling ng mga biktima na sana ay tulungan sila ng gobyerno kahit pampatayo lamang ng bahay kubo dahil marami sa mga ito ang nawalan ng bahay.

Sinabi naman ni Pangulong Marcos na inatasan na niya ang Department of Social Worker and Development (DSWD) na magbigay ng pambili ng construction materials para agad na matulungan ang mga biktima ng kalamidad na nawalan o nasira ang mga bahay.

“Ininstraksyunan ko na si Secretary Erwin Tulfo, ininstraksyunan ko na siya na imbes na tayo ang magbigay ng construction materials ay bibigyan na lang namin kayo depende five to 10,000 bawat isa para makapagbili ng construction materials at para makapagpili kayo kung ano ‘yung gusto niyo, paanong gusto ninyong gawin. Titiyakin natin ‘yan,” anang Pangulo.

Namahagi rin ng food at non-food items ang Pangulo sa mga biktima ng kalamidad kasama ang DSWD.

Tiniyak ng Pangulo ang patuloy na suporta ng national government sa mga evacuee hanggang sa makabalik ang mga ito sa kani-kanilang mga tahanan at babantayan ang pangangailangan ng mga nasa evacuation center.

“Ito may mga dala kami, magdi-distribute kami nang kaunti. Nandito kami para tiyakin na mabilis ang pagdating ng tulong na galing sa national government sa inyo na tinamaan ng bagyo, na nabiktima ng bagyo na nangangailangan ng tulong,” dagdag ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Wasak bahay kay ‘Paeng’ may tig-P10K first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments