Tinawag ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na `budol’ ang kontrobersiyal na promotional video para sa bagong campaign slogan na `Love the Philippines’ ng Department of Tourism (DOT).
Ito’y matapos lumitaw na karamihan ay hindi umano kuha sa Pilipinas at hinugot lamang sa mga stock footage ng isang video creation platform.
Bukod dito, pinuna rin ni Castro ang panggagaya umano ng campaign slogan sa bansang Cyprus.
“Hindi puwede ang ganyan na nambubudol ng mamamayan dapat maging ang DOT ay maimbestigahan dahil nasasayang ang pera ng taumbayan dito at nakakahiya pa sa international community,” dagdag ni Castro.
Mungkahi naman ni Senador Sonny Angara na dapat ipaulit na lang ng DOT ang paggawa ng buong campaign video lalo pa’t gumastos ang gobyerno ng P49 milyon para sa bagong tourism slogan.
“They should at the very least redo the campaign video. Parang nalugi ang gobyerno. Dapat may konting pride tayo sa ating trabaho especially if we are selling and marketing the Philippines,” sabi ni Angara.
Ang mga video clip ay sinasabing kuha sa Indonesia, Thailand, Switzerland at United Arab Emirates. (Eralyn Prado/Dindo Matining)
The post DOT inokray: Mga Pinoy nabudol sa `Love the Philippines’ first appeared on Abante Tonite.
0 Comments