Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sagipin ang mga taong palaboy at mga pamilyang nakatira sa lansangan sa Metro Manila sa pamamagitan ng Oplan Pag-abot.

Sa Laging Handa public briefing nitong Lunes, Hulyo 3, sinabi ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez na layon ng programa na mailayo sa panganib ang mga mamamayang nakatira sa mga lansangan.

Bibigyan aniya ng medical assistance, suportang pagkain, transportation at relocation aid, at oportunidad para may pagkakitaan ang mga ito.

Kapag dayo lamang sa Metro Manila, sinabi ni Lopez na ibabalik ang mga palaboy sa kanilang mga probinsiya at titiyaking may pagkakitaan ang mga ito.

Mayroon na aniyang mahigit 100 pamilyang natulungan ng DSWD sa Oplan Pag-abot at magiging tuloy-tuloy na ito sa tulong ng mga local government unit sa Metro Manila.

“Bawat pamilya ay bibigyan ng identification card, may biometrics din sila hindi lang IDs ng sa ganoon ay talagang identified na natin sila at kung sila man ay natutulungan ay wala ng dahilan para bumalik pa sa lansangan,” wika ni Lopez. (Aileen Taliping)

The post DSWD wawalisin mga iskwater sa kalye first appeared on Abante Tonite.