Nagsagawa kamakailan ng ocular inspection si Senador Raffy Tulfo sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) Sta. Mesa kung saan nadiskubre niya ang tila napabayaang unibersidad dahil sa kakarampot ng pondong inilaan kada taon.

Ang pagbisita ni Tulfo sa unibersidad ay batay sa sumbong ng mga estudyante sa kalunos-lunos na kalagayan ng ilan sa kanilang mga pasilidad lalo na sa Engineering Laboratory.

Sa kanyang pag-inspeksyon, napansin ng senador napaglipasan na ng panahon ang mga laboratory equipment ng Engineering Department doon at hirap pang paandarin, ang iba ay nagmistula pang junk.

Butas-butas din ang mga bubong, sahig sa second floor na gawa sa kahoy at tila malapit nang masira.

Nadiskubre rin ni Tulfo na ang mga gusaling kailangan ng i-renovate at maraming silya doon na nangangalawang at marupok na, mala-pugon na hallways at classrooms na sobrang init dahil kulang sa ventilation, wala pang ceiling fans.

Sabi pa ng senador, ilan sa mga gusali ay walang kuryente dahil sa mga ginagawang konstruksyon. Ang isa pa nga doon na project ng DPWH ay halos isang taon nang kino-construct pero paghuhukay pa lang ang nagagawa.

Napag-alaman din ni Tulfo kina University President Manuel M. Muhi at Vice President for Administration Adam V. Ramilo na taon-taon ang budget na inilalaan ng Kongreso para sa unibersidad ay tinatapyasan ng Department of Budget Management (DBM) kaya tali ang kanilang mga kamay sa paggawa ng karampatang building improvements at pagbili ng mga modernong kagamitan.

Bunsod nito ay nangako ang senador na tutulong na ipaglaban ang pondo ng PUP sa susunod na budget hearing ng Senado para mapaayos at mapaganda ang PUP lalo pa’t nang malaman niya na marami sa mga estudyante rito ay mga anak ng OFW. (Dindo Matining)

See Related Stories:

Mga estudyante ng UP, PUP dinukot

PUP, University of Caloocan nanggulat sa Bar exam

The post PUP kinakawawa ng DBM sa tapyas-pondo kada taon first appeared on Abante Tonite.