Sinibak ng Kamara de Representantes sina dating Pangulo at incumbent Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at Davao City Rep. Isidro Ungab bilang mga Deputy Speaker.
Sa sesyon ng plenaryo nitong Martes, naghain ng mosyon si House Deputy Majority Leader at Cagayan Rep. Ramon Nolasco Jr. upang ihalal si Isabela Rep. Tonypet Albano bilang kapalit ni Arroyo, at si Lanao del Sur Rep. Yasser Balindong bilang kapalit ni Ungab.
Inaprubahan ni Antipolo City Rep. Robbie Puno, ang presiding officer ng sesyon, ang mga mosyon matapos na walang tumutol dito.
Sa isang pahayag, sinabi ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose Dalipe na matapos ang masusing deliberasyon ay nagdesisyon ang liderato ng Kamara na alisin sina Arroyo at Ungab matapos na hindi pumirma sa resolusyon na sumusuporta kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez at sa Kamara laban sa paninira rito.
Nasa abroad umano si Arroyo nang ipaikot ang resolusyon habang tanggap naman ni Ungab ang pagtanggal sa kanya at nangakong susuporta pa rin sa administrasyong Marcos. (Billy Begas/Eralyn Prado)
The post GMA, Davao solon sinibak na Deputy Speaker ng Kamara first appeared on Abante Tonite.
0 Comments