Milyong halaga ng cocaine na nakabalot sa plastic bag ang napulot ng isang concerned citizen sa baybayin ng Narra, Palawan noong Linggo, November 5.
Batay sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan Provincial Office, isang concerned citizen ang naglalakad umano sa baybayin ng Purok Pagkakaisa, Brgy. Calategas, Narra, Palawan, nang mapansin nito ang waterproof fabric bag at nang mabuksan ay bumungad dito ang white powdered substance.
Agad namang itinurn-over ng nakapulot ang bag sa mga otoridad at nang suriin sa laboratory ng mga forensic expert ay natuklasan na cocaine ang laman nito na may timbang na mahigit sa 1,000 gramo.
Ayon sa PDEA Palawan, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may narekober na mataas na kalidad ng illegal na droga sa kanilang lalawigan.
Hinihinalang bukod sa unang natagpuan ay may iba pang mga kasama na katulad nito ang posibleng ipinaanod din ng mga drug syndicate mula sa ibang lugar o bansa.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng PDEA kung saan galing ang nasabing droga. (Dolly Cabreza)
The post Milyones na cocaine inanod sa Palawan first appeared on Abante Tonite.
0 Comments