Pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pagpasok sa bansa ng mga buhay na baka at mga produktong karne mula sa United Kingdom (UK) kasunod ng naitalang kaso ng mad cow disease sa Scotland noong nakaraang Mayo.
Base sa Memorandum Order No. 20 na inilabas noong Mayo 30, 2024 ng DA, pansamantalang ipinagbawal ang pag-angkat ng mga buhay na baka, karne, mga produktong karne, mga protina ng hayop na naproseso ng baka, at semilya nito mula sa UK.
Hindi pa inilalabas ng DA ang kopya ng memorandum ngunit nabanggit na ito ay dahil sa nadiskubreng isang classical strain C-type BSE sa South Ayrshire sa Scotland noong Mayo 10, gaya ng nakumpirma sa isang ulat ng World Organization for Animal Health -World Animal Health Information System.
Ayon sa DA, ang Bovine Spongiform Encephalopathy (BSE) na mas kilala bilang mad cow disease, ay maaaring magdulot ng fatal nerve damage sa mga baka, at ang pagpasok at posibleng pagkalat nito sa Pilipinas ay maaaring makaapekto sa industriya ng mga hayop at makompromiso ang kaligtasan ng pagkain.
Maaari rin itong magdulot ng sakit na Creutzfeldt-Jakob sa mga tao na nagdudulot ng pagkasira ng utak o brain disorder.
Pero nilinaw ng DA na lahat ng mga shipment mula sa UK na nasa biyahe o nadiskaraga na ay papayagan pang makapasok basta’t kinatay o ginawa ang mga ito bago ang Abril 10, 2024. (Vincent Pagaduan)
The post Agri memo binawal karneng baka galing United Kingdom first appeared on Abante Tonite.
0 Comments