Tinukuran sa Kamara de Representantes ang plano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magbigay ng short courses sa mga nagtapos ng K to 12 program upang mas mabilis na makapasok ng trabaho ang mga ito.
Ayon kay Rizal Rep. Fidel Nograles, totoo ang sinabi ng Pangulo na 10 taon matapos ipatupad ang K to 12 program ay masasabing hindi naabot ang layunin nito na gawing employable ang mga nagtapos ng senior high school.
“Any project that would give a leg up to our graduates so they can find jobs as soon as possible is welcome,” sabi ni Nograles.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong ni Marcos na kinausap niya si incoming Education Secretary Sonny Angara kaugnay ng pagbibigay ng mga mini-course na tatlo hanggang anim na buwan lamang para sa mga senior high school.
Ayon kay Nograles, ang ibibigay na short courses ay maaaring tanungin sa pribadong sektor upang maging angkop sa pangangailangan ng kanilang industriya.
“Siyempre, hindi naman tayo nag-ooperate sa isang vacuum. Kaya kailangan talaga magtulungan ang private sector at pamahalaan para masiguro na angkop ang mga short courses sa mga pangangailangan sa iba’ ibang industriya,” dagdag pa ng mambabatas.
Ikinatuwa rin ni Nograles ang naging resulta ng 2024 Jobs Outlook Study ng Philippine Business for Education (PBEd) kung saan apat sa bawat limang employer ang nagsabi na kukuha sila ng K to 12 graduates.
“The survey results mean that the door is not closed for K to 12 graduates to find jobs. Rather, it’s a matter of increasing the numbers, which I am optimistic we can achieve with the proper interventions,” ayon kay Nograles (Billy Begas)
The post Mga employer i-survey sa trabaho ng K to 12 graduate first appeared on Abante Tonite.
0 Comments