Mukhang may mas malalim na anggulong nasisipat ang Philippine Coast Guard (PCG) sa magkakasunod na oil spill sa Bataan.
Ayon kay PCG National Capital Region -Central Luzon spokesperson John Encina, kinakalkal ng kanilang investigating team ang dahilan kung bakit ang lumubog na MT Terranova, MTKR Jason Bradley at MV Mirola ay nasa baybayin ng Bataan bago mangyari ang insidente.
Kaya bubusisiin ng Coast Guard kung sangkot ang tatlong vessel sa oil smuggling o mas kilala na ‘paihi’ modus.
Ang diskarteng paihi ay ginagawa sa pamamagitan ng pagsasalin ng langis mula sa malalaking barko patungo sa maliliit na barko para makaiwas sa pagbabayad ng malaking buwis.
Ipinoporma na rin ng Department of Justice ang pagsasampa ng class suit sa mga may-ari ng tatlong barko na naging sanhi ng oil spill sa Bataan.
Hangad natin ang tagumpay ng imbestigasyon sa nangyaring oil spill para matigil na ang ganitong trahedya na sumisira sa ating kalikasan at nagdudulot ng perwisyo sa mga kababayan nating mangingisda.
Manaig sana ang hustisya sa kasong ito at hindi mabaon sa limot at higit sa lahat ay mapanagot ang mga may sala.
***
Sa kabilang banda nais nating batiin ang mga kababayan nating atleta na lumahok sa 2024 Paris Olympics.
Isa sa matagumpay na sumabak sa laban ay ang gymnast na si Carlos Yulo.
Nasungkit na ni Caloy ang gintong medalya sa floor exercise.
Dahil nakaginto ay marami ng biyaya ang naghihintay kay Caloy pag-uwi ng Pilipinas. Una na Riyan ang P10M premyo na nakasaad sa Republic Act 10699 o mas kilala bilang ‘Sports Benefits and Incentives Act of 2001.’
Sa ilalim ng batas ang sinumang Pinoy na mag-uuwi ng ginto sa pagsabak sa Olympic ay tatanggap ng P10 million.
Pero dahil pambihira ang karangalang inihatid ni Caloy ay may mga pribadong kompanya rin ang nangako ng iba’t ibang gantimpala gaya ng: P24 million fully furnished two-bedroom unit sa McKinley Hill mula sa Megaworld.
P5 million mula International Container Terminal Services Inc.
P3 million mula sa House of Representatives
House and Lot handog ng Philippine Olympic Committee at lifetime free buffet sa Vikings.
Ganyan ka-generous ang mga Pinoy, kapag may hatid na karangalan sa bansa ay hindi nagdadalawang -isip na magbigay ng gantimpala.
The post Bataan oil spill mas lumalim first appeared on Abante Tonite.
0 Comments