Bonoan ‘kumanta’, DPWH walang master plan sa flood control

Ginisa ng mga senador si Department of Public Works and Highways (DPWH) chief Manuel Bonoan sa pagdinig sa Senado dahil sa kakulangan ng pinagsama-samang national food control master plan sa gitna ng walang patid na baha sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate committee on public works na pinamumunuan ni Senador Ramon Bong Revilla Jr., sinabi ni Bonoan na maraming master plan sa 18 pangunahing river basis subalit karamihan ay nasa preparation stage pa rin.

Sabi pa ni Bonoan, ang 5,521 na nakumpletong flood control projects ay kagyat na ‘relief projects’ para bawasan ang pagbaha. Hindi naman kumbinsido si Senadora Imee Marcos sa sinabing ito ng DPWH chief

“So there’s an admission on the part of the DPWH that in fact a national flood control masterplan still does not exist? Tama po ba yon? Kasi hiwa-hiwalay yung 18,” tanong ni Marcos.

“Di naman sila pinagdugtong-dugtong. Hindi pa naka-align sa MMDA. Merong sari-sarili rin at pira-piraso ‘yung ating LGU,” dagdag pa niya.

Inamin naman ni Bonoan na ang 5,521 flood control projects ay patsi-patsi lang dahil ito ang agarang lunas sa mga mababang lugar sa bansa.

“Tama po ba ang pagkaintindi ko, immediate relief lang po? So tagpi-tagpi na naman tayo, patse-patse na naman?” tanong pa ni Marcos na sinagot naman ni Bonoan na, “Tama po”.

Samantala, sinabi naman ni Revilla na hindi sapat na mabilis humupa ang baha dahil hindi naman talaga dapat bumabaha maraming bahagi ng Metro Manila at karatig-lalawigan.

“Totoo man na mas mabilis ang paghupa ng baha ngayon, hindi pa rin tama na dito mapunta ang usapan! Kasi hindi na dapat pinag-uusapan yung paghupa, ang pinag-uusapan dapat ay yung hindi na magbabaha. Hindi sapat na mabilis humupa ang baha dahil hindi naman talaga dapat bumabaha,” sabi ni Revilla sa kanyang opening statement.

Nadismaya din ang senador sa pag-amin ng DPWH na wala silang integrated nations master plan para sa flood management.

“Without an integrated national master plan para tugunan ang baha, patuloy na magiging pache-pache ang ginagawa natin mga proyekto para tugunan ang baha. Kahit pa matapos ang mga proyektong ito, kung hindi magiging holistic ang approach, maipapasa lang natin sa ibang lugar ang baha,” paliwanag ni Revilla.

“Kaya, kailangan nang mabuo at maipatupad yang master plan na iyan. At in the interim, habang wala pa, dapat may mga contingencies kayo para hindi na babaha ulit tuwing uulan,” saad pa ni Revilla. (Dindo Matining)

The post Bonoan ‘kumanta’, DPWH walang master plan sa flood control first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments