Bidding sa P2B sasakyang pandagat ng BFAR pinasisilip

Kinukuwestiyon ng isang dating opisyal sa Ombudsman ang bidding sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kaugnay sa pagbili ng iba’t ibang klaseng sasakyang-pandagat na nagkakahalaga ng higit P2 bilyon.

Kaya naman kinalampag ni Atty. Faye Singson, dating assistant prosecutor sa Office of the Ombudsman si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. para kalkalin ang nasabing bidding sa BFAR.

Ang pinasisilip na BFAR bidding ay ang Bid Reference na 2024-62 at 2024-63.

Patungkol ito sa pagbili ng multi-mission offshore vessels, refrigerated cargo vessels, at steel-hulled fishing vessels na nagkakahalaga ng P2.1 bilyon.

Ibinunyag ng abogado na ang nangyaring Bids and Awards Committee (BAC) meetings noong September 11-12 ay nagresulta para mag-isyu ng isang supplemental bid bulletin na may petsang September 12, 2024 kung saan tumayo umanong chair si BFAR Officer-in-Charge Isidro M. Velayo Jr.

Para kay Singson, bilang BFAR acting chief, na head ng procuring entity, hindi dapat ito nakikialam sa mga ginagawa ng BAC, dahil siya ang mag-aapruba sa mga rekomendasyon ng BAC.

Dahil dito magiging kuwestiyonable aniya ang bidding process at pag-isipang baka may pinaborang kompanya.

Dapat din aniyang imbestigahan ng kalihim ang nangyaring bidding sa BFAR nito lamang Oktubre 10-11.

Hindi dapat aniya ipagsawalang-bahala ni Laurel ang isyu bilang siyang pinuno ng kagawaran na sumasaklaw sa BFAR.

Para kay Singson dapat gumawa ang kalihim ng mga nararapat na hakbang upang masabi na fair and impartial ang bidding.

Binigyang-diin ni Atty. Singson na isang malaking isyu ito upang makansela o mabalewala ang buong proseso ng bidding at puwede rin itong pagsimulan ng pagsasampa ng mga kasong administratibo.

Ang recordings ng BAC meetings noong September 11-12 ang magpapatunay aniya sa kwestiyonableng proseso ng bidding.

Sinasabi ring pribado umanong pinulong ni Velayo ang mga miyembro ng technical working group at BAC para sa magiging takbo ng bidding.

Napakasagrado ng paggastos sa pera ng taumbayan kaya umaapela ang dating opisyal ng Ombudsman na ibasura ang bidding at sampahan ng administrative complaints ang opisyal at mga kasabwat nito na nasa likod ng pagmaniobra ng bidding.

Naku, dapat bigyang pansin ito ni Sec. Laurel para malaman ang katotohanan sa ibinabatong alegasyon sa bidding ng mga sasakyang pandagat ng BFAR dahil damay siya rito bilang head ng DA.

The post Bidding sa P2B sasakyang pandagat ng BFAR pinasisilip first appeared on Abante Tonite.

Post a Comment

0 Comments