Sa unang siyam na buwan ng 2024, umabot sa 20,948 Pilipino ang kumuha ng US licensure nursing examination isang hakbang upang makapagtrabaho bilang nurse sa Estados Unidos.
Ayon kay House Committee on Higher and Technical Education vice chairperson at Quezon City Rep. Marvin Rillo, nananatiling maraming Pinoy ang gustong magtrabaho sa Estados Unidos sa kabila ng kakulangan sa bansa.
Batay sa US National Council of State Boards of Nursing Inc., sinabi ni Rillo na mula Enero hanggang Setyembre ay kumuha rin ng licensure exam ang 4,456 nursing graduates mula sa India; 2,665 sa Kenya; 2,031 sa Nepal; 1,882 sa South Korea; 683 sa Nigeria; at 613 mula sa Ghana.
“The number of Philippine-educated nurses seeking to practice their profession in America and other foreign labor markets remains very high, mainly on account of inadequate pay here at home,” sabi ni Rillo.
Itinutulak ni Rillo ang dagdag-sahod ng mga nurse sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill No. 5276 ang basic monthly pay ng entry-level nurse sa mga ospital ng gobyerno ay itataas sa P67,005 (Salary Grade 21) mula sa kasalukuyang P38,413 (Salary Grade 15).
Naniniwala ang mambabatas na epektibong paraan ang dagdag-sahod para manatili ang mga nurse sa Pilipinas. (Billy Begas)
The post Higit 20,000 Pinoy nurse kumuha ng licensure exam sa Amerika first appeared on Abante Tonite.
0 Comments